Patotoo ng Isang Kristiyano | Pamumuhay sa Harap ng Diyos
Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa paghahangad na makapasok sa buhay, kailangang suriin ng isang tao ang kanyang sariling mga salita, mga gawa, mga kaisipan, at mga ideya sa bawat bagay na nakakaharap niya sa pang-araw-araw na buhay. Kailangang maunawaan ng isang tao ang kanyang sariling mga kalagayan, at pagkatapos ay ikumpara ang mga ito sa katotohanan, hangarin ang katotohanan, at pumasok sa realidad ng katotohanang kanyang nauunawaan. Sa proseso ng pagpasok sa realidad ng katotohanan, kailangang maunawaan ng isang tao ang kanyang sariling mga kalagayan, at madalas na humarap sa Diyos upang manalangin at magsumamo sa Kanya. Kailangan ding madalas na makibahagi ang isang tao sa ibang mga kapatid nang bukas ang puso, maghanap ng landas papasok sa realidad ng katotohanan, at hangarin ang mga prinsipyo ng katotohanan. Sa bandang huli, malalaman ng isang tao kung anong mga disposisyon ang kanyang ibinubunyag sa pang-araw-araw na buhay, kung nagagalak ba ang Diyos sa mga ito o hindi, kung tumpak ba ang isinasagawa niyang landas o hindi, kung nasuri na ba niya o hindi ang mga kalagayang matatagpuan sa kanyang kalooban sa pamamagitan ng pagsusuri sa kanyang sarili kumpara sa mga salita ng Diyos, kung nasuri na ba nang tumpak ang mga ito o hindi, kung naaayon ba ang mga ito sa mga salita ng Diyos o hindi, at kung tunay ba siyang nagtagumpay at talagang nakapasok na pagdating sa mga kalagayang iyon na naaayon sa mga salita ng Diyos. Kapag madalas kang namumuhay nang napapaloob sa mga kalagayang ito, sa mga kundisyong ito, unti-unti, magkakaroon ka ng pangunahing pagkaunawa sa ilang katotohanan at sa iyong totoong mga kalagayan” (Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Ibinubunyag ng mga salitang ito ang tamang landas sa pagpasok sa buhay, na siyasatin ang lahat ng kaisipan at kilos sa lahat ng nangyayari sa tunay na buhay, at pagkatapos, isinasaalang-alang natin ang mga paghahayag ng mga salita ng Diyos, pinagninilayan ang ating mga tiwaling disposisyon at hinahanap ang katotohanan upang lutasin ang mga ito. Ito ang tanging paraan upang tunay na makilala ang ating mga sarili at makapasok sa mga salita ng Diyos.
Kamakailan, ibinahagi ni Brother Chen ang isa sa kanyang mga karanasan sa isang pagtitipon. Nang matapos siya, naisip ko, naging matigas ang ulo niya at walang prinsipyo sa kanyang tungkulin, kaya tinabasan at pinakitunguhan. Hindi siya nangangatwiran para sa kanyang sarili, at lumabas na nagpasakop siya. Ngunit kung tungkol sa kung bakit naging matigas ang ulo niya sa kanyang gawain, kung ano ang kanyang tiwaling disposisyon, o ang pinakadahilan, hindi niya sinubukang unawain ito, o hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Ang pagkamasunurin niya ay pagsunod lang sa mga tuntunin. Hindi iyon matatawag na tunay na pagpapasakop. Naisip ko sa sarili ko, “Hindi ba’t dapat kong ipaalam sa kanya ang pagkukulang na ito?” Pero naisip ko pagkatapos na, “Mas matagal nang mananampalataya si Brother Chen kaysa sa akin, daig ng karanasan niya ang sa akin. Kung magmumungkahi ako sa kanya, magiging para akong batang nagmamalaki. Hindi ba’t magmumukha akong mapagmataas dahil doon? Mas mabuting wala akong sabihin.” Nang matapos na siya sa kanyang pagbabahagi, sa katunayan ay hiniling niya sa amin na sabihin sa kanya ang anumang mga pagkukulang na maaaring napansin namin. Gusto kong ituro ang kanyang isyu, ngunit hindi ko talaga magawa ito. Naisip ko, “Talagang lubos na mas matanda siya kaysa sa akin. Kung sasabihin kong hindi siya tunay na nagpasakop at sumusunod lang siya sa mga tuntunin, lubha siyang mapapahiya at malalagay ko siya sa alanganin. Kung hindi niya ito tatanggapin at sasabihin na mapagmataas ako, o na sadyang wala akong karanasan, mapapahiya ako. Hindi ko siya lubusang kilala, at hindi makabuluhang ipagsapalaran kong maging masama ang palagay niya sa akin.” Nag-atubili ako nang matagal, at pagkatapos ay sinabi ko, “Ah, mayroon kang karanasan at praktikal din ang pagkaunawa mo.”
Pagkasabi ko nito, hindi ako mapalagay. Nakikita ko ang mga problema niya pero hindi ako nagsabi ng kahit ano tungkol sa mga ito. Nagsabi lang ako ng magandang bagay na salungat sa konsensya ko. Hindi iyon tapat o totoo. Naisip ko pagkatapos ang mga pagtitipon namin noong panahong iyon kung saan nagbabahagi ang lahat. Dapat naming pagnilayan ang sarili araw-araw, upang makita kung gaano karaming kasinungalingan o malabnaw na katotohanan ang nabibigkas namin araw-araw, kung mga personal na layunin ang naging motibo ng sinabi namin, at kung anong mga bagay ang sinabi o ginawa namin na salungat sa katotohanan. Napagtanto ko na wala akong ginawa kundi magsinungaling kay Brother Chen. Alam kong paulit-ulit tayong hinihimok ng Diyos na maging matapat, na makikita sa mga kasabihan tulad ng huwag magpaligoy-ligoy, at magsalita nang diretso. At gayon man, hindi ko naisagawa ang pinakabatayang kahingian na ito. Sa puntong iyon, nadismaya ako. Nagmadali akong humarap sa Diyos, at nanalangin para sa gabay na makilala ang sarili ko. Pagkatapos, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “May pinag-aralan kayong lahat. Binibigyang-pansin ninyong lahat ang pagiging pino at pinababa sa inyong pananalita, at maging sa paraan ng inyong pagsasalita: Maingat kayong magsalita, at natuto na kayong hindi sirain ang paggalang sa sarili at ang dangal ng iba. Sa inyong mga salita at kilos, tinutulutan ninyo ang mga tao na makakilos nang maayos. Ginagawa ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para mapanatag ang mga tao. Hindi ninyo inilalantad ang kanilang mga pilat o pagkukulang, at sinisikap ninyong huwag silang masaktan o mapahiya. Gayon ang prinsipyong pinagbabatayan ng kilos ng karamihan sa mga tao. At anong klaseng prinsipyo ito? Ito ay tuso, madulas, mapanlinlang, at mapanira. Nakatago sa likod ng nakangiting mukha ng mga tao ang maraming malisyoso, mapanira, at kasuklam-suklam na bagay. Halimbawa, kapag nakikihalubilo sa iba, ang ilang tao, pagkakita na may kaunting katayuan ang taong iyon, ay magsisimulang magsalita sa isang suwabe, maganda sa pandinig, at nakapupuri na paraan para mapanatag ang taong iyon. Ngunit iyon nga kaya ang talagang iniisip nila? Bakit sila nagsasalita nang ganoon? Tiyak na nagkikimkim sila ng mga layon at lihim na motibo. Ang gayong mga tao ay may kasamaan sa kanilang puso at lubhang kasuklam-suklam. Ang paraan ng pagkilos sa buhay ng gayong mga tao ay kasuklam-suklam at karima-rimarim” (“Anim na Pahiwatig ng Pag-unlad sa Buhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang tumpak na kalagayan ko. Talagang hindi ako matapat sa mga salita ko. Paligoy-ligoy ako. Paikot-ikot ang sinasabi ko para hindi ako makasakit ng damdamin ng mga tao, at laging magagandang bagay ang sinasabi ko. Kung titingnan mula sa labas, nagmukhang iniisip ko ang iba, pero sa katotohanan, ang mga motibo ko ay para maganda ang sabihin ng iba sa akin at para protektahan ang sarili kong katayuan. Sa pakikinig sa kanya, alam kong labis na sumusunod si Brother Chen sa mga tuntunin, at alam ko rin na hindi ito nakakatulong para sa kanyang pagpasok sa buhay. Ngunit naisip ko na mapapahiya lang siya, at magiging masama ang palagay niya sa akin kung babanggitin ko ito, kaya patuloy akong nanahimik. Sa katunayan, kahit noong hiningian niya ako ng mga mungkahi, hindi ako naging diretsahan. Sa halip, labis-labis ko siyang pinuri at nilinlang. Sobra ’kong tuso at mapanlinlang! Hiniling sa amin ni Brother Chen na ituro sa kanya ang mga mali niya, dahil gusto niyang bumawi sa kanyang mga pagkukulang. Nabigo ako sa responsibilidad kong tulungan siya, sa huwad na pamumuri at panlilinlang sa kanya. Noon ko lang napagtanto, na habang mukhang kasiya-siya at nakikisama ako at walang nasasaktan ang damdamin, sa katotohanan, hindi ko isinagawa ang katotohanan. Hindi iyon pagiging mabuting tao, kundi pagiging tuso at mapanlinlang. Dati kong itinuturing ang sarili ko na talagang walang muwang, walang karanasan, at nalalaman sa mga paraan ng mundo. Nakikita ko lang na talagang tuso ako tuwing nahaharap sa mga katotohanan at nagsimula akong kamuhian ang sarili ko. Hindi ko gustong maging lubos na mapanlinang. Pagkatapos ay nanalangin ako sa Diyos, handang magsisi, sabihin ang katotohanan, at maging matapat gaya ng inaatas Niya.
Nagpasya akong isulat kung ano ang natuklasan ko kay Brother Chen at ipadala ito sa kanya, pero nag-atubili ako habang nagsusulat. Nag-alala ako na baka mali ang pagkakasabi ko ng mga bagay, na baka hindi niya tanggapin nang mabuti iyon, at na iisipin niyang walang kabuluhan ang mga sinasabi ko. Higit pa, dahil nanahimik ako noon, kung bigla na lang akong may sasabihin, hindi ba’t babaliwalain niya lang iyon? Naisip ko, “Marahil hindi ngayon ang tamang oras. Sa susunod na lang siguro.” Pero nadismaya ulit ako sa inisip kong iyon. Sa katotohanan, hindi isinaayos ng Diyos ang lahat ng ito para lang sa sarili kong pagkaunawa. Inaasahan Niya na tatanggapin ko ang Kanyang mga salita at isasagawa ang mga ito. Kung magpapatalo ako at pagpapasyahan kong hayaan na lang ito, hindi ba’t pandaraya iyon sa Diyos? Nanalangin ulit ako, at sinabing, “Hindi ko gustong mag-alala tungkol sa kung ano ang iisipin sa akin ni Brother Chen at ng iba pa. Diyos ko, tulungan Mo akong isagawa ang katotohanan.” Pagkatapos, dinala ko ang karanasan ni Brother Chen at inilapat ang mga salita ng Diyos. Isinulat ko kung ano ang napansin ko, sa abot ng makakaya ko, at ipinadala ito kay Brother Chen. Mas palagay ang pakiramdam ko sa pagsasagawa sa ganoong paraan. Nakakuha ako ng sagot mula kay Brother Chen nang sumunod na araw. Sinulat niya na lubos siyang naantig nang mabasa niya ang liham ko, at na nagmula ang isinulat ko sa pag-ibig ng Diyos. Naunawaan niya na nabigo siyang magtuon sa paghahanap ng katotohanan noong may nangyaring ilang problema, at na noong tinabasan siya, hindi niya ito pinagdaanan nang maayos. Gusto niyang tugunan kung paano niya naranasan ang mga bagay. Pagkatapos basahin ang kanyang sagot, lubos akong naantig. Naramdaman kong hindi ko kailangang mag-aalala nang lubos sa aking mga pakikipag-ugnayan sa iba. Kailangan ko lang ng tamang motibo kapag may tinuturo akong problema, at magagawa nilang tanggapin ito. Imahinasyon ko lang ang lahat ng mga pag-aalala ko; nagmula ang mga ito sa tiwaling disposisyon ko. Naunawaan ko rin na ang mga ugnayan sa iglesia ay hindi nakadepende sa mga pilosopiya ng buhay o mapanlinlang na kilos, kundi nakabatay sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at sa katapatan. Lubos akong ginawang tiwali ni Satanas, at lubhang nakaugat na ang aking tiwaling disposisyon, na kapag may banta sa aking pangalan at mga interes, nahihirapan akong isagawa ang katotohanan.
Ilang panahon pagkatapos niyon, may napansin akong batang kapatid na madalas na nagbabasa ng mga nobela sa Internet. Bumilis agad ang tibok ng puso ko. Naisip ko, “Karamihan sa mga nobelang iyon sa Internet ay mga kathang-isip na gawa ng tao. Kung mapupuno ang isip niya ng mga ito, hindi niya gugustuhing basahin ang mga salita ng Diyos o gawin ang kanyang tungkulin. Pagkatapos ay mawawaglit niya ang gawain ng Banal na Espiritu, at makakasama iyon sa kanyang buhay. Dapat kong sabihin ang isyu.” Pero nang magsasalita na ako, pinanghinaan ako ng loob: “Maiinis ba siya dahil dito, at iisipin niyang nakikialam ako? Kung hindi maganda ang reaksiyon niya, magiging asiwa kami na makita ang isa’t isa sa buong araw. Sa halip, siguro’y dapat kong iulat ito sa lider ng iglesia at hayaan ang lider na magbahagi sa kanya.” Pero alam kong hindi tama ang pag-iisip na ito. Ako ang nakatuklas nito, kaya ako dapat ang magbahagi sa kanya. Hindi ko dapat ipasa ang responsibilidad sa iba. Pagkatapos niyon, ilang beses ko ring inisip na sabihin ito, pero sa bawat pagkakataon, hindi ko mailabas ang mga salita. Hindi ko alam kung saan magsisimula. Nagpatuloy ito sa pagdaan ng mga araw hanggang isang araw, tinanong sa akin ng lider ng iglesia ang tungkol sa kalagayan ng kapatid. Noon ko lang binanggit ang lahat ng iyon. Sa gulat ko, sinabi ng lider na abala siya at hiniling niya sa akin na kausapin ang kapatid. Napagtanto ko na isinaayos ng Diyos ang sitwasyong ito upang makita kung maisasagawa ko ba ang katotohanan o hindi. Nagsimula kong isipin kung gaano ako naging kabalisa nang ilang panahon. Sa bawat oras na nakita ko ang kapatid na iyon, namamalagi sa isip ko na hindi ko s’ya kinausap. Hindi ako nagpakita sa kanya ng pagmamahal o umako ng responsibilidad, at nagdusa ang konsensya ko. Batid ko ang mga panganib na maaaring dala ng mga nobela sa Internet. Ginagamit ng diyablong si Satanas ang mga masasamang nauuso na ito upang linlangin at gawing tiwali ang mga tao, upang kontrolin sila, at palayuin sila sa Diyos, nang sa gayon ay lalo silang maging masama hanggang sa lamunin sila nito. Hindi ako nakapagbigay ng pinakamaliit na pagpapahalaga sa kung paano maaaring masira ang buhay ng kapatid, o tungkol sa kung lubos siyang nagagambala sa kanyang tungkulin, maaari siyang magdulot ng kasiraan sa gawain ng iglesia. Natakot ako na masaktan ko ang damdamin niya, at kaya naging labis akong maingat para mapanatili ang aming ugnayan. Makasarili at kamuhi-muhi iyon!
Pagkatapos, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Maraming tao ang naniniwala na ang pagiging mabuting tao ay talagang madali, at kailangan lang dito na bawasan ang pagsasalita at dagdagan ang paggawa, magkaroon ng mabuting puso, at huwag maghangad ng masama. Naniniwala sila na titiyakin nito na uunlad sila saanman sila pumunta, na magugustuhan sila ng mga tao, at na sapat na ang maging gayong klaseng tao. Ni ayaw na nga nilang hangarin ang katotohanan; nasisiyahan na sila sa pagiging mabuting tao. Iniisip nila na ang paghahangad ng katotohanan at paglilingkod sa Diyos ay napaka-kumplikado; iniisip nila na kailangan dito ang pag-unawa sa maraming katotohanan, at sino ang makagagawa niyon? Nais lang nilang tumahak sa mas madaling landas — maging mabubuting tao at gampanan ang kanilang mga tungkulin — at iniisip nila na sapat na iyon. Makatwiran ba ang posisyong ito? Talaga bang napakadaling maging mabuting tao? Makakakita kayo ng maraming mabubuting tao sa lipunan na napakatayog magsalita, at kahit sa tingin ay tila wala silang nagawang anumang malaking kasamaan, sa kanilang kalooban sila ay mapanlinlang at tuso. Nakikita nila lalo na kung ano ang direksyon ng ihip ng hangin, at suwabe at makamundo silang magsalita. Sa tingin Ko, ang gayong ‘mabuting tao’ ay isang huwad, isang ipokrito; ang gayong tao ay nagkukunwari lamang na mabuti. Lahat ng nananatili sa isang masayang kalagayan ang pinakamasama. Sinisikap nilang huwag saktan ang damdamin ninuman, pinapasaya nila ang mga tao, sumasabay sila sa agos, at walang makaunawa sa kanila. Ang gayong tao ay isang buhay na Satanas!” (“Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Naiwawaksi Mo ang Mga Tali ng Isang Tiwaling Disposisyon” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Tumagos sa puso ko ang mga salitang ito ng Diyos. Nakita ko na isa akong “palasang-ayon” na tao, na laging nasa gitna, hindi kayang saktan ang damdamin ng sinuman o ituro ang kanilang mga mali, tulad ng kung ano ang ibinubunyag ng mga salita ng Diyos. Kung nagsalita man ako, isinaalang-alang ko muna ang sitwasyon. Hindi ako handang ilagay sa panganib ang pagkakaibigan o hayaan ang isang tao na humanap ng mali sa akin. Napansin ko na may problema ang kapatid na ito at ginusto kong kausapin siya, ngunit sa oras na isipin kong baka masaktan ang damdamin niya, paulit-ulit ko itong iniwasan, at ipinasa ang responsibilidad sa lider ng iglesia. Napagtanto ko na sarili ko lang ang iniisip ko, na hinahayaan ko ang iba na akuhin ang mahihirap na gawain, at hindi ko gustong mailagay ang sarili ko sa panganib. Malinaw na naging ganoon ang pag-uugali ko sa mga kapatid. Madalas, tuwing may napapansin akong ilang senyales ng katiwalian sa iba, magbubulag-bulagan na lang ako, at hindi ko ito babanggitin o hindi ako magbabahagi tungkol dito. Sa panlabas, parang kasundo ko ang lahat. Wari’y napakamaunawain ko. Sa katotohanan, huwad na pagpapanggap lang iyon. Tinago ko ang aking mga totoong damdamin at hindi ko kailanman ibinahagi ang mga totoong iniisip ko. Nagkukunwari lang ako. Talagang mapanlinlang na ipokrita ako! Nilinlang ko ang aking mga kapatid, ngunit kasabay nito, gusto ko rin na mabuti ang isipin nila sa akin. Lubha akong walang kahihiyan! Nakita ko na ako ay walang iba kundi mapanlinlang at tusong palasang-ayon. Huwad ako.
Pagkatapos ay binasa ko ang ilan pang mga salita ng Diyos: “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at natatamo ang katotohanan, ang likas na pagkatao ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa likas na pagkataong iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katungkulan? Bakit napakatindi ng damdamin mo? Bakit gusto mo ang di-matutuwid na bagay? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkagusto mo sa mga bagay na ito? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit masayang-masaya kang tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil mayroon itong lason ni Satanas. Tungkol naman sa kung ano ang lason ni Satanas, lubos itong maipapahayag sa mga salita. Halimbawa, kung tatanungin mo ang ilang masamang tao kung bakit gayon ang kilos nila, sasagot sila: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Maaari silang gumawa ng mga bagay-bagay para sa ganito at ganoong layunin, ngunit ginagawa lamang nila iyon para sa kanilang sarili. Iniisip ng lahat ng tao na dahil bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba, dapat silang mabuhay para sa sarili nilang kapakanan, na ginagawa ang lahat sa abot-kaya nila na siguraduhin ang magandang posisyon nila at ang pagkain at pananamit na kailangan nila. ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ — ito ang buhay at ang pilosopiya ng tao, at kinakatawan din nito ang likas na pagkatao. Ang pahayag na ito mismo ang lason ni Satanas, at kapag isinabuhay ito ng mga tao, nagiging likas na iyon sa kanila. Ang likas na pagkatao ni Satanas ay inilalantad sa pamamagitan ng mga salitang ito; lubos itong kumakatawan dito. Ang lasong ito ay nagiging buhay ng mga tao at nagiging pundasyon din nila sa buhay, at ang sangkatauhang ginawang tiwali ay patuloy nang pinangingibabawan ng lasong ito sa loob ng libu-libong taon” (“Paano Lakaran Ang Landas ni Pedro” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Natulungan ako ng pagbabasa ng mga salitang ito na maunawaan ang pinakadahilan ng pagiging palasang-ayon ko, iyon ay dahil ang mga pilosopiya at lason ni Satanas ay malalim na nakaugat sa akin. Dahil sa mga lasong iyon tulad ng “Bawat tao para sa kanyang sarili,” “Nagiging matagal ang pagkakaibigan kapag nananahimik,” at “Magsalita nang kasundo ang iba sapagkat pinapatay ng katapatan ang mga pagkakaibigan,” Sarili ko lang ang iniisip ko, ang sarili kong reputasyon at katayuan. Hinanap ko ang pagsang-ayon ng iba upang mabuti ang sabihin nila sa akin. Upang matamo ito, magiging makasarili at mapanlinlang ako. Higit pa, mula pagkabata ko, sinabi ng mga magulang ko sa akin na mas makinig ako kaysa magsalita, mas mainam kung kaunti ang sinasabi. Binalaan nila ako na huwag maging lubos na tahasan dahil hindi iyon magugustuhan ng mga tao. Namumuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya na ito, at bihira akong maging matapat sa ibang tao. Ganito ang kaso pati na sa mga pinakamatalik na kaibigan ko, Bihirang-bihira akong nagtatapat para ituro ang kanilang mga mali, takot na mapapasama ko ang loob nila, at sa ganyang paraan ay ganap na masira ang tingin nila sa akin. Sa halip, sumasakay lang ako sa nararamdaman nila at pinupuri ko sila, ngunit kasinungalingan ang lahat ng iyon. Pagkukunwari ang lahat! Pagkatapos ay napagtanto ko na ang pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya na ito, ay ginagawa lamang akong lubhang huwad, tuso, makasarili, at nakaririmarim. Sariling mga interes ko lang ang inisip ko, at hindi ko man lang inisip ang iba. Wala akong pagmamahal sa iba, at hindi ako matapat. Talagang imposible para sa taong katulad ko na makatulong o makabuti sa sinuman sa anumang paraan. Walang katuturang maging malapit sa akin. Nabatid ko na ang mga satanikong pilosopiya na ito ay tunay na hindi makatuwiran, at hindi dapat maging mga prinsipyo ng asal ang mga ito. Nakita ko na ang pamumuhay ayon sa mga pilosopiyang ito ay maaari lang tayong gawing mas tiwali at mas nagkukulang sa pagkatao. Napansin ko na sa tuwing binabalewala ko ang isang problema, nakakaramdam ako ng pagkakasala kalaunan, na hindi ko malampasan. Ramdam kong alam ko ang totoo pero hindi ko maisagawa ito. Duwag ako, walang dignidad o integridad. Sa kabila ng pagiging mas matanda ko, hindi ko magawang maging disente o sumunod sa mga prinsipyo para sa pagkikipag-ugnayan ng tao. Sinunod ko ang mga makamundong paraang itinuro at pinalaganap ni Satanas. Sa sandaling iyon, talagang kinamuhian ko ang sarili ko. Hindi ko gustong mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiyang ito. Gusto kong kumilos alinsunod sa mga salita ng Diyos.
Di nagtagal, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ano ang pinakamahalagang pagsasagawa ng pagiging matapat na tao? Ito ay ang kailangan na maging bukas ang iyong puso sa Diyos. Ano ang ibig Kong sabihin ng ‘bukas’? Ang ibig sabihin nito ay pagbibigay sa Diyos ng malinaw na pagkakita sa lahat ng iniisip mo, kung ano ang iyong mga layon, at ano ang kumokontrol sa iyo. Kung ang sinasabi mo ay kung ano ang nasa puso mo, nang wala ni katiting na pagkakaiba at walang anumang pagtatago, walang masamang bahagi, nang hindi na kailangan pang manghula at malalim na manuri ang ibang tao sa pamamagitan ng pagtatanong, at nang hindi mo na kailangang magpaliguy-ligoy pa, sa halip ay basta sinasabi mo ang iniisip mo, nang walang iba pang layon, ibig sabihin nito ay bukas ang puso mo. Kung minsa’y nasasaktan at hindi natutuwa ang iba sa iyong kaprangkahan. Gayunman, may magsasabi ba ng, ‘Masyado ka namang tapat magsalita at talagang nasaktan mo ako; hindi ko matatanggap ang katapatan mo’? Wala; walang magsasabi noon. Kahit nasasaktan mo ang mga tao paminsan-minsan, kung kaya mong maging bukas sa kanila at hihingi ka ng paumanhin, aaminin na nagsalita ka nang hindi nag-iisip at hindi inaalintana ang kanilang mga kahinaan, makikita nila na wala kang sama ng loob, na ikaw ay isang matapat na tao, at na hindi mo lang talaga pinapansing masyado ang iyong pananalita at napakaprangka mo lang talaga; walang magdaramdam sa iyo. … Ang pinakamahalagang bahagi ng pagiging isang matapat na tao ay na ang iyong puso ay kailangang maging bukas sa Diyos. Pagkatapos, matututo kang maging bukas sa ibang tao, magsalita nang tapatan at totoo, sabihin ang nasa puso mo, maging isang taong may dangal, integridad, at pagkatao, at hindi magsalita nang mayabang o nang mali o gumagamit ng mga salita para pagtakpan ang sarili mo o linlangin ang iba” (Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Habang pinagninilayan ko ito, labis akong naantig. Ramdam kong hinawakan ako ng Diyos at tinuruan kung paano maging tao. Upang maging tapat na tao, upang magsalita at kumilos nang may katapatan, upang maging ganap na bukas ang puso ko sa Diyos, upang maging totoo sa iba, at upang tumangging huwad na makitungo, o manlinlang — ganito mabuhay! Kalaunan, kinausap ko ang kapatid na iyon tungkol sa aking inaalala, at nagbahagi kami sa mga panganib ng mga nobela sa Internet. Noong una kaming nagsimula, aaminin ko na mukhang hindi siya masaya, at siyempre, asiwa iyon, ngunit sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanya, nagawa niyang mapagtanto na nasa panganib siya. Bukod pa, sinabi niyang hindi na siya magbabasa ng mga ito, at sa halip ay pagtutuonan ang kanyang tungkulin. Nang marinig ko siyang sabihin ito, lumuwag ang pakiramdam ko sa wakas, pero sinisi ko rin ang sarili ko. Sa huli, kung mas maaga akong nagsalita, marahil ay mas maagang naitama ang kanyang kalagayan. Iyon ay dahil lang humanap ako ng pagsang-ayon, na naghintay ako nang napakatagal sa pagsasagawa ng katotohanan, kaya’t nagpatuloy ang mga bagay. Talagang nakakasira ang pagiging palasang-ayon. Pagkatapos niyon, tuwing pagninilayan ko ang isang isyu sa mga tungkulin ng mga kapatid, minsan ay nag-aalala pa rin ako na mapasama ang loob nila, ngunit sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos at pagsasagawa ng katotohanan upang maging matapat, nalaman kong kaya kong tapat na ituro ang problema kalaunan. Sa gabay ng mga salita ng Diyos, natutuhan ko sa wakas kung paano makipag-ugnayan sa iba. Nakita ko kung gaano kahalaga ang mga salita ng Diyos. Ang mga ito ang mga prinsipyo para sa lahat ng ating mga kilos. Sa ating tungkulin man o asal, kailangan natin lagi ang mga salita ng Diyos. Kung hinahanap natin ang katotohanan kapag may nangyayaring mga isyu, magkakaroon tayo ng landas na susundan.
Sa pag-alala nito, sumang-ayon ako sa kaisipan na mapanlinlang ako, ngunit hindi ko kailanman taimtim na kinumpara ang sarili ko sa mga salita ng Diyos upang siyasatin ang aking tiwaling disposisyon. Bihira ko ring hinanap ang mga salita ng Diyos para sa landas ng pagsasagawa, kaya hindi nagbago ang aking mapanlinlang na disposisyon. Bagaman nakaranas lamang ako ng ilang mababaw na usapin sa buhay, tuwing pinagtutuonan ko ang pagsiyasat sa aking sarili at paghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, Umaani ako ng bunga at nagtatamo ng kaliwanagan. Nakakaramdam din ako ng totoong kapayapaan sa loob at nagtatamo ng kaunting landas sa pagpasok sa buhay. Ang magawang anihin ang bungang ito ay dahil lahat sa gabay ng mga salita ng Diyos! Salamat sa Diyos!
————————————
Madalas tayong nananalangin sa Diyos ngunit hindi maramdaman ang presensya ng Diyos, kaya paano manalangin upang maging kaayon sa kalooban ng Diyos?